SEA Games gold medalist Carlos Yulo, nagmistulang batang paslit sa tabi ng PBA legend na si Ramon Fernandez

Tila mag-ama ang eksenang ito ng PBA legend at PSC Commissioner na si Ramon Fernandez at ang Filipino world gymnast na si Carlos Yulo sa 31st Southeast Asian Games kung saan nagkamit ng tatlong gold medals si Yulo.

Hindi kaagad namukhaan dahil napagkamalang batang paslit ang Filipino world gymnast na si Carlos Yulo sa mga nakapagpapangiting larawan nila ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon Fernandez na kuha sa isinasagawang 31st Southeast Asian (SEA) Games.

Nag-umpisa ang 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam noong May 12 at matatapos ito sa May 23, 2022.

Muling naghatid ng karangalan sa Pilipinas si Yulo dahil sa tatlong medalyang ginto na napanalunan niya sa 31st SEA Games. Ito ay para sa mga kategoryang Artistic Gymnastics Men’s All Around, Men’s Floor Exercise, at Men’s Still Rings.

Isa si Fernandez sa mga opisyal ng PSC na personal na bumati at bumuhat sa kanya.

Nagmistulang maliit na bata si Yulo sa cute photos nila ni Fernandez dahil halos hanggang dibdib lamang ng former PBA player, na binansagan noong El Presidente, ang kanyang taas.

Wala pang 5 feet (1.5 meters) ang height ni Yulo kung ikukumpara sa katangkaran (1.93 meters) ni Fernandez.

Sa PBA record, 6'4" ang opisyal na taas ng legendary PBA player pero sinabi nito sa isang interbyu noong 2015 na nadiskubre niyang may mild case siya ng gigantism kaya umabot sa 6’7" ang kanyang height.

Pinatunayan naman ni Yulo na totoo ang kasabihan ng matatanda na maliit man, nakakapuwing din dahil sa tagumpay niya sa 31st SEA Games.

Matapos mapanalunan ang third gold medal, ipinahayag ni Yulo sa panayam ng One Sports na naka-focus lamang ang atensiyon niya sa kanyang mga routine.

“Hindi po [ako] nag-e-expect, pero siyempre, gustong manalo ng medal po. Siyempre, masaya po ako pero may mga pagkakamali pa rin po ako.

“Of course, I’m happy po because nagawa ko naman po yung mga dapat kong gawin and safe naman po ako.

“Lahat po ng nag-compete, wala naman po nangyaring masama sa amin. I’m so grateful po na ganoon yung nangyari po.

“Isa po sa mga pangarap ko na makilala ang gymnastics sa Pilipinas po, makilala ang Pilipinas sa larangan ng gymnastics kaya super proud po ako,” bahagi ng interbyu kay Yulo, na isa sa mga atleta na ipinagmamalaki ngayon ng Pilipinas.