Ai-Ai delas Alas, Darryl Yap, idineklarang persona non grata ng QC

Idineklarang persona non grata sa Quezon City ang comedy actress na si Ai-Ai Delas Alas at direktor na si Darryl Yap.

Inaprubahan ng Quezon City Council ang resolusyon na isinumite ni QC Dist. IV Coun. Ivy Lagman para ideklarang persona non grata sa lungsod ang dalawa.



Kaugnay ito sa video sa Vincentiments Facebook Page kung saan gumanap si Delas Alas bilang si Ligaya Belmonte.

Ayon sa resolusyon, malisyoso at binastos ang official seal ng lungsod sa nasabing video.



Ayon kay Lagman, hindi papayag ang mga taga-Quezon City na ipahiya ang official seal ng Quezon City para sa aniya’y personal at makasariling interes.

Bahagi ng nasabing video ang pagpapakita sa background gamit ang official triangular seal ng Quezon City pero ang visual elements nito ay inedit o binago.