Manggagawa nagbigti sa loob ng drum ng mixing truck sa Magpet Cotabato

CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang isang construction worker matapos itong magbigti sa drum ng mixing truck sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Marvin Perocho, 23 anyos, binata at residente ng 142 Reparo Street Caloocan City.

Ayon sa mga nakakita sa biktima na umakyat ito sa hopper ng mixing truck at pumasok sa rotating mixing drum sa Purok 6 Barangay Gubatan Magpet Cotabato.

Mabilis na nailigtas si Perocho ng mga kasamahan niyang road construction worker sa bayan ng Magpet.

Natagpuan ang biktima na nakabitin ito sa bakal at nakatali sa leeg gamit ang sinturon.

Napag-alaman din na duguan ang biktima at may sugat sa ulo na pinaniniwalaang pinukpok nya ng bato.

Nailabas ang biktima nang butasan ng mga kasamahan nito ang gilid ng mixing drum.

Agad dinala sa pagamutan si Perocho ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Magpet PNP na ang biktima, ay wala sa tamang pag-iisip.