Mag-inang walang bahay sa Roxas, ipinagpatayo ng 2nd PMFC

Lubos-lubos ang pasasalamat ni Adelita Laryosa, residente ng Brgy. Sandoval sa bayan ng Roxas sa 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company (2nd PPMFC) na tumulong maitayo ang kanilang bahay.

Ayon kay P/Lt. Col. Mhardie Azares, hepe ng 2nd PPMFC, noong July 29, habang nagsasagawa ng programa ang Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT), kung saan nakilahok din ang anak ni nanay Adelita, lumapit ito sa kanya para humingi ng tulong na agad naman nilang binigyang tugon.

“Lumapit siya sa akin, humihingi lang ng sawali para maipagawa niya agad ang kanyang bahay dahil pinaalis na sila sa tinitirahan,” pahayag ni Azares.

Napag-alaman na si nanay Adelita ay matagal ng biyuda at walang regular na trabaho habang itinataguyod ang kanyang nag-iisang anak.

Agad namang bumili ang mga taga 2nd PPMFC ng sawali, yero, pako, at mga kahoy na kakailanganin para mabuo ng bahay ng mag-ina.

Maliban sa mga materyales, mismong mga taga 2nd PPMFC na rin ang nagtulong-tulong para itayo bahay ng mag-ina.

Sa kanilang pagtutulungan ay natapos ang nasabing bahay sa loob lamang ng tatlong araw.

Ayon pa kay Azares, ang kanilang ginawang pagtulong ay kaugnay ng kanilang programang “Kalingang 2nd PMFC, Walang Imposible”.

Dito, sila ay tumutulong sa mga nangangailngang mga Palaweño na naapektuhan ng pandemyang dulot ng COVID-19. Katuwang nila sa nasabing programa ang mga stakeholders at LGU.

Paalala naman ng 2nd PPMFC, ang kanilang hanay ay katuwang ng mga Palaweño tungo sa maayos at ligtas na komunidad.

“Anumang balakid ay mapagtatagumpayan at walang imposible, kung ang lahat ay nagkakaisa at nagmamalasakit.” dagdag pa nito.